Wednesday 23 April 2014

Rochelle Pangilinan, haciendera na sa Iloilo

MAY tubuhan pala sa Iloilo ang dating Sexbomb Dancer na si Rochelle Pangilinan at dugo’t pawis ang puhunan niya rito.

Yes, mala-Ikaw Lamang ang buhay ni Rochelle dahil haciendera siya sa taniman ng tubo na nirerentahan naman niya ang lupa sa boyfriend niyang si Arthur Solinap.




“Nagrerenta ako sa lupa ni Art na tinaniman ng sugar cane. Ako ‘yung nagre-rent sa kanila kasi si Art ayaw niya. Sabi ko nga sa kanya, kikita ako diyan sa tubuhan ng malaki.

“Kasi siguro si Art, doon siya lumaki, so nagsawa, nasanay lang siya na anytime nandiyan lang (ang lupa) kung gusto niyang bumalik,” kuwento ni Rochelle nang makatsikahan namin kamakailan.

Sa ilang ektarya lang muna nag-umpisang magpatanim ng tubo si Rochelle hanggang sa lumaki na.

“Maliit muna kasi nakakatakot kapag malakihan agad. Sa ngayon mayroon na kaming 16 hectares at isang 5 hectares. Magkakaiba kasi at nakapag-harvest na kami last month (Marso), hindi pa ROI (return of investment) kasi malaki ‘yung inilabas kong pera.

“Madali lang naman tumubo ang tubo kasi maganda naman ang lupa roon. Kinuha ko lang land, pero ngayon ang dami ng tubo, sa umpisa lang naman mahirap, pero ;pag nag-start na madali na,” masayang kuwento ng dalaga.

Ang kanyang future father-in-law ang nagma-manage ng tubuhan ni Rochelle.

“Kasi si Tito (daddy ni Arthur) bilang nag-uumpisa pa lang kami, tinutulungan niya kami. Kung baga, nakikisabay lang kami ni Art.”

May natutunan kami kay Rochelle, na kapag nagnegosyo o naglabas ng pera ay huwag nang umasang babalik pa ang puhunan para hindi masaktan.

“Hindi ko na ini-expect na babalik, kasi negosyo ‘yan, eh. Hindi naman lahat kasi kumikita sa pinasukang business,” katwiran sa amin.

E, susme, Bossing DMB, kaya nga nagnegosyo, di ba, para lumago at hindi para malugi? E, karamihan naman sa negosyante ay nage-expect ng balik, di ba?

Nakakatawa nga raw kasi si Arthur ang nag-encourage na magnegosyo pero hindi naman tubuhan ang gusto.

“Ayaw niya ang tubuhan, kasi nga siguro lumaki siya roon, kung baga nagsawa na. Lumaking kaya niyang makuha lahat like anytime gustong magpakatay ng baka, puwede, lahat nang gustong kainin, puwede. So nagpunta ng Maynila kasi ayaw na ni Art ng ganu’ng buhay, gusto niya ibang challenge.

“Eh, sabi ko, kapag nabuntis ako, gusto ko doon tayo sa Iloilo, parang ako ‘yung doon lumaki, di ba? Gusto ko kasi doon magbuntis, gusto kong i-feel o namnamin ‘yung nine months.

“So, out sa showbiz muna ako during buntis ako, kaya ngayon, magtatrabaho muna ako habang hindi pa ako buntis. Ganu’n ako mag-isip,” kuwento pa ng dalaga.

Hindi ipinanganak na mayamang angkan si Rochelle at sa katunayan ay breadwinner siya noon kaya kayod marino siya nu’ng kainitan ng Sexbomb at Daisy Siete na lahat ng raket ay pinapatulan niya basta may pang-maintain lang ang tatay niyang maysakit noon.

Natatandaan namin na ipinagpatayo pa niya ito ng sariling bahay kasi nga hiwalay na ito sa nanay niya at nang pumanaw ang ama ay napunta na sa kuya niya ang bahay.

“Si Kuya na ‘yung nagtuloy na gawing apartment ‘yung gilid ng bahay, ginawa niyang paupahan para hindi na siya aasa sa akin.

“Nagbibigay pa rin naman ako maski paano kay Nanay pero sinasabi ko sa mga kapatid ko na tulungan namin si Nanay kasi iisa na lang ang magulang namin.

“Dati talaga hirap na hirap ako kasi nagpapagawa ako ng bahay, ngayon hindi na. Ngayon may sarili na akong bahay, invite ko sila at watch na lang kami ng movie,” nakangiting kuwento ni Rochelle.

Mayaman na ba si Rochelle Pangilinan?

“Wala pa, lahat nakalabas,” mabilis na sagot ng aktres na maraming negosyo. Kasosyo rin siya sa Reluxe Spa na pag-aari rin ng manager niyang si Perry Lansigan, kasama sina Dingdong Dantes, Arthur at iba pang PPL talents.

May bago pa siyang pinagkakaabalahan ngayon.

“Nalilibang din akong gumawa ng juicing, detox.” At may supplier siya ng green vegetables na galing Baguio na ginagawa niyang juice na ibinebenta niya sa mga kakilala.

“Wala kasi akong magawa sa bahay kapag wala akong tapings,” katwiran niya. “Carmela lang kasi ang project ko at Sunday All Stars.”

Kasama rin si Rochelle sa indie film na Asintado na ipapalabas sa Hulyo kasama ang kapatid niya sa PPL na si Gabby Eigenmann.

“First indie film ko at kontrabida ako. Luka-luka ako roon at dyowa ko si Raymond Bagatsing na sobrang in love kaya nagawa kong pumatay ng tao para lang sa kanya. Bale may saltik ako sa movie, talagang inaral ko ang role ko,” kuwento ni Rochelle.

Bihira nang sumayaw ngayon si Rochelle at out of town na lang ang tinatanggap niyang projects, “Para sa pang-araw-araw na gastusin.” –Reggee Bonoan
Share this post
  • Share to Facebook
  • Share to Twitter
  • Share to Google+
  • Share to Stumble Upon
  • Share to Evernote
  • Share to Blogger
  • Share to Email
  • Share to Yahoo Messenger
  • More...